Itinatampok sa isang eksibisyon sa Cotabato City ang mga panawagan at karapatan ng mga batang Bangsamoro bilang bahagi ng pagdiriwang ng World Children’s Day ngayong Nobyembre 24, 2026.

Tampok sa eksibisyon ang anim na pangunahing haligi ng Bangsamoro Children’s Manifesto na naglalaman ng mga panawagan ng mga bata para sa de-kalidad na edukasyon, serbisyong pangkalusugan at nutrisyon, proteksyon laban sa karahasan, at mga institusyong may kakayahang tumugon sa epekto ng climate change.

Ayon pa sa UNICEF, binibigyang-diin din sa manifesto ang pangangailangang mabigyan ng pagkakataon ang mga bata na makilahok sa pagbuo ng mga polisiya at desisyong direktang nakaaapekto sa kanilang buhay at kinabukasan.

Nabuo ang naturang manifesto sa pamamagitan ng pakikilahok ng mga kinatawan ng mga bata mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon sa unang Bangsamoro Children’s Congress.

Kabilang sa mga panawagan ng mga bata ang pagsasalin ng kanilang mga mungkahi sa mga konkretong batas at programa ng Bangsamoro Parliament upang higit na mapangalagaan ang kanilang mga karapatan at kapakanan.