Sugatan ang dalawang sibilyan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem suspects habang sakay ng isang minivan sa Barangay Gadungan, Sultan Sa Barongis, Maguindanao del Sur, dakong alas-3 kahapon, Nobyembre 23, 2026.
Kinilala ang mga biktima na sina alyas Raf, 26-anyos, isang magsasaka, at alyas Baby, 21-anyos, isang housewife, kapwa residente ng nasabing barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Sultan Sa Barongis Municipal Police Station (MPS), pauwi na ang mga biktima mula Tacurong City sakay ng isang silver-gray Suzuki minivan nang pagbabarilin sila ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo at umano’y sumusunod sa kanilang sasakyan.
Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima at agad na isinugod sa Evangelista Medical Clinic and Hospital sa Lambayong, Sultan Kudarat, kung saan patuloy silang ginagamot.
Patuloy namang nagsasagawa ng pursuit operations at follow-up investigation ang pulisya upang matukoy at maaresto ang mga suspek.

















