Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Ipil-Ipil, Barangay Kadingilan, Nabalawag, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), dakong alas-12:10 ng tanghali ngayong Nobyembre 24, 2026.

Kinilala ang nasawi na si Darios Ondong Makakena, nasa hustong gulang, may asawa at residente ng Barangay Tumbras, Kadayangan, SGA-BARMM, na nagtatrabaho bilang negosyante o buy-and-sell merchant.

Batay sa paunang impormasyon ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima kasama ang isa pang indibidwal at patungo sana sa sentro ng bayan ng Midsayap nang makarating sa Barangay Kadingilan.

Dito umano biglang pinagbabaril ang biktima ng hindi pa nakikilalang suspek na lulan ng isang minivan, kahit walang naiulat na naging dahilan o komprontasyon bago ang pamamaril.

Agad namang tumakas ang suspek sakay ng naturang sasakyan patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Matapos ang insidente, kinuha ng pamilya ang labi ng biktima para sa pagsasagawa ng mga kaukulang ritwal sa paglilibing ng mga Muslim.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng suspek.