Nasa full alert status na simula noong Setyembre 29 ang Police Regional Office BAR bilang paghahanda para sa isang linggo na COC filing week ng mga kakandidato sa susunod na taong halalan.
Ayon sa tagapagsalita ng PRO BAR na si Captain Erine Mason, mahigit sa apat na libo na kapulisan ang ipapakalat nila upang matiyak ang seguridad sa buong linggo ng COC filing.
Kahapon, araw ng Lunes Setyembre 30 isinagawa naman ang pagpapakalat o deployment ng mga tauhan ng kapulisan mula sa mga provincial at municipal police maging sa Regional Mobile Force Batallion o RMFB.
Itatalaga ang mga ito sa mga opisina ng COMELEC sa mga probinsya at munisipyo na kung saan dadagsain ito ng mga maghahain ng kandidatura.
Ayon kay Mason, makakatuwang nila dito ang nasa Military upang mapatupad ang mga layuning pangseguridad. Samantala, sinabi ni Mason na pagkatapos pa ng COC filing matutukoy kung saan saang lugar ng rehiyon ang dapat na tutukan sa eleksyon.
May parametro diumano na sinusunod ang mga autoridad sa pagdedeklara ng areas of concern tuwing halalan.