Manageable and controlled.
Ito ang sinabi ni PRO BAR Regional Operations Division Chief Col. Jibin Bongcayao mg matanong hinggil sa seguridad at kaayusan ngayong filing ng Certificate of Candidacy o COC ng mga nagnanais na kumandidato na nagsimula noong araw ng Martes, Oktubre 1.
Ayon sa hepe ng ROD, patuloy ang isinasagawang pagmomonitor ng mga sitwasyon sa nagaganap na filing ng COC at umaasa naman itong magtutuloy tuloy ang nasabing kaayusan hanggang sa huling araw ng aktibidad na Oktubre 8.
Aniya, 20 percent pa lamang ang nakakapaghain ng kanilang kandidatura at wala pa sa inaasahan na kalahati. Dahil dito, umaasa naman ang nasabing alagad ng batas na magiging matiwasay din ang filing ng mga kakandidato sa unang halalang pangparliamento sa darating na nobyembre.
Kasama rin aniya sa pinatututukan sa PRO BAR ang pagtugis sa mga pribadong armadong grupo, mga gang maging ang mga di dokumentadong armas na nagagamit para maghasik ng karahasan sa tuwing eleksyon.
Inatasan na aniya ng PRO BAR Regional Director BGen. Prexy Tanggawohn ang mga commandante sa ground na tutukan din ang mga lugar na napabilang na dati sa tinatawag na areas of concern o hotspot.