Umabot sa halagang Php 1,023,400 na hinihinalang shabu ang nasabat mula sa isang suspek sa buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Regional Drug Enforcement Unit at Kabacan Municipal Police Station sa Purok 5, Barangay Osias, Kabacan, bandang alas-8:56 ng gabi ng Enero 22, 2025.

Kinilala ang suspek na si Salahudin Mabang, 38-anyos, binata, walang trabaho, at residente ng Datu Piang Street, Poblacion, Pikit, Cotabato.

Ayon kay LT James Warren Caang, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office (CPPO), nakipagtransaksyon ang isang undercover na pulis sa suspek gamit ang marked money na nagkakahalaga ng Php 2,000.

Nakuha mula sa suspek an isang maliit na pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.5 gramo, dalawang malalaking pakete na may timbang na 50 gramo bawat isa (kabuuang 100 gramo), isang malaking pakete na may timbang na 25 gramo, limang medium-sized na pakete na may timbang na 5 gramo bawat isa.

Sa kabuuan, tinatayang nasa 150 gramo ang timbang ng nasamsam na droga na may market value na Php 1,023,400.

Bukod dito, nakuha rin mula sa suspek ang marked money na ginamit sa operasyon.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang kaso habang nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.