Viral ngayon ang isang Russian-American vlogger matapos nitong sagasaan ang paa ng isang matanda—hindi para sa aksidente, kundi para sa kanyang content.

Mariing kinondena ng mga netizen ang naturang vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, na kilala sa kanyang kontrobersyal na prank videos. Ayon sa mga nagrereklamo, hindi na ito nakakatawa at malinaw na pangha-harass na sa mga Pilipino.

Dahil sa mga natanggap na reklamo mula sa security guards at mall employees sa Taguig, agad na umaksyon ang mga awtoridad. Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Zdorovetskiy noong Abril 2 sa Pasay City dahil sa paglabag sa BI Operations Order No. SBM-2014-048.

Sa ngayon, nasa kustodiya na siya ng Bureau of Immigration sa Camp Bagong Diwa, Taguig, habang inaayos ang kanyang deportation.