Nagtakda ang Bangsamoro Darul-Ifta’ (BDI) ng mga panuntunan sa alternatibong pangangalaga sa mga batang ulila sa kapwa magulang at walang kamag-anak na maaaring kumupkop sa kanila sa ilalim ng Fatwa No. 21, Series of 2026, na inilabas noong Nobyembre 10.

Alinsunod sa Shari’ah o batas Islamiko, prayoridad sa pangangalaga ang pinakamalapit na kwalipikadong kamag-anak mula sa panig ng ina o ama na may kakayahang panrelihiyon, moral at pinansyal na alagaan ang bata.

Kung walang ganitong kamag-anak, maaari namang ilagay ang bata sa pangangalaga ng mga mapagkakatiwalaang institusyong Islamiko, gaya ng mga bahay-ampunan, na sumusunod sa mga prinsipyo ng kafālah o sistemang Islamiko ng pag-aaruga na nagpapanatili sa orihinal na lahi at pagkakakilanlan ng bata.

Binigyang-diin din ng BDI na kailangan ang pag-apruba ng mga kinauukulang awtoridad, kabilang ang BDI at Ministry of Social Services and Development o MSSD, bago ilipat ang pangangalaga o magtalaga ng bagong tagapag-alaga.

Layunin ng fatwa na matiyak na naaayon sa Shari’ah ang mga desisyon sa pangangalaga sa mga ulila, habang pinangangalagaan ang kanilang karapatan, kaligtasan at kapakanan.

Bilang opisyal na tagapayo sa mga usaping panrelihiyon sa rehiyon, nagbibigay ang BDI ng mga fatwa bilang gabay sa mga institusyong pangkatarungan at panlipunang kapakanan sa mga usaping may kinalaman sa karapatan at proteksyon ng mga menor de edad.