Tanging Bangsamoro region lamang ang sasailalim sa halalan ngayong taon kaya’t may sapat at higit pa sa kinakailangang bilang ng mga security personnel para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ito ang tiniyak ni BARMM Regional Election Director Atty. Ray Sumalipao sa eksklusibong panayam ng 93.7 Star FM Cotabato.
Ayon kay Atty. Sumalipao, dahil walang eleksyong gaganapin sa Region 11, 12, at CARAGA, maaaring magamit ang mga pwersa mula sa mga nabanggit na lugar upang mas mapalakas pa ang seguridad sa BARMM sa araw ng halalan.
Nagbigay babala rin si Atty. Sumalipao sa mga nagnanais manggulo sa eleksyon. Aniya, hindi na mauulit ang mga kaguluhang naranasan noong nakaraang halalan dahil may sapat nang kagamitan gaya ng mga CCTV na iinstall sa mga lugar ng botohan upang madaling matukoy ang mga gagawa ng kalokohan. “Warning na ito sa lahat,” mariing pahayag ni Sumalipao.
Dagdag pa niya, hangad niyang magsilbing simula ng pagbabago at pagiging mature ng Bangsamoro region ang nalalapit na halalan, lalo na sa usapin ng maayos at mapayapang eleksyon.
Pinaalalahanan din niya ang mga botante, lalo na ang mga Muslim, na hindi nararapat saktan ang kapwa Muslim—isang aral na malinaw na itinuturo sa pananampalatayang Islam. Aniya, panahon na upang magpakita ng paglago at pagbabago para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.