Mariing kinundena ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang brutal na pagpaslang kay Patrolman Jomar Kalantungan, na binaril noong Lunes, Mayo 26, 2025, sa kahabaan ng National Highway sa Barangay Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur.
Tinawag ng PRO BAR ang insidente bilang isang “walang saysay at duwag na krimen” na hindi lamang pag-atake sa batas, kundi pati na rin sa mga pulis na buong tapang na naglilingkod para sa kapayapaan at seguridad ng mamamayan.
Ayon sa PRO BAR, masusing imbestigasyon ang kasalukuyang isinasagawa, habang pinalalakas na ang manhunt operation laban sa salarin. Tiniyak ng pamunuan na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para kay Patrolman Kalantungan.
Nagpaabot rin ng pakikiramay at suporta ang PRO BAR sa naiwang pamilya ng biktima, at nangakong ipagpapatuloy ang laban para sa katarungan bilang pag-alala sa kanyang serbisyo at kabayanihan.
Hinikayat din ng PRO BAR ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga otoridad. Anumang impormasyon na makatutulong sa kaso ay labis na mahalaga para sa mabilis na paglutas nito at pagpapanatili ng katahimikan sa rehiyon.