Dead on arrival sa ospital ang isang dating media practitioner na kilala rin bilang acupuncturist matapos itong pagbabarilin kaninang umaga sa General Santos City.
Kinilala ang biktima na si Ali Macalintal, pansamantalang naninirahan sa Calina Street, Barangay Lagao.
Naganap ang insidente sa loob mismo ng Delmont Massage and Spa na matatagpuan rin sa Calina Street. Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, naabutan si Macalintal na duguan sa loob ng naturang establisyemento at agad na dinala sa ospital, ngunit idineklara itong patay pagdating doon.
Batay sa salaysay ng isa sa kanyang mga kaibigan, isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nagkunwaring customer at nagpa-appointment para sa acupuncture. Ilang sandali pa, bigla nitong pinaputukan ang biktima at mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo patungong Aradaza Street sa parehong barangay.
Napag-alamang nakatanggap na umano ng mga pagbabanta sa buhay ang biktima bago pa man mangyari ang pamamaril.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng salarin.