Muling itinalaga ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua ang anim sa mahigit 30 opisyal na una niyang hiniling na magbitiw bilang bahagi ng planong reorganisasyon sa pamahalaang rehiyonal.

Kabilang sa mga nanatili sa puwesto sina Akmad A. Brahim (Natural Resources), Ubaida C. Pacasem (Budget and Finance), Dr. Kadil M. Sinolinding (Health), Muslimin G. Sema (Labor and Employment), Atty. Raissa H. Jajurie (Social Services), at Jehan A. Usop (Science and Technology).

Ayon kay Macacua, patuloy pa rin ang ebalwasyon sa performance ng ibang mga ministers at pinuno ng mga support agencies upang matukoy kung sila ay ireretain o papalitan.

Ikinatuwa ng mga opisyal sa walong bagong bayan ng BARMM sa Cotabato province ang desisyon, partikular na ang pagpapanatili kina Dr. Sinolinding at Atty. Jajurie na aktibong nagseserbisyo sa Special Geographic Area (SGA).

“Malaking tulong sila sa mga serbisyong pangkalusugan at sosyal na direkta naming nararamdaman sa mga barangay,” ayon kay Mayor Abdillah Mamasabulod ng Pagalungan.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Ligawasan Mayor Esmael Mama sa patuloy na suporta ni Minister Brahim sa mga environmental programs ng kanilang bayan.

Samantala, pinuri rin ni Cotabato Gov. Emmylou Mendoza ang pananatili sa puwesto ni Minister Sema, dahil marami umanong kasapi ng MNLF sa kanilang mga bayan na nakikinabang sa mga programa ng Ministry of Labor.

Ang anim na opisyal ay kinatawan ng iba’t ibang sektor, kabilang ang MILF at MNLF, na kapwa may kasunduan sa kapayapaan sa gobyerno at may kinatawan din sa Bangsamoro Parliament.