Arestado ang isang 38-anyos na lalaki sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Kalanganan 2, Cotabato City kahapon, Huwebes, Hulyo 10, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Dels,” isang self-employed na residente ng Purok Kinagatan sa nasabing barangay. Ayon sa ulat ng Police Station 3, naaktuhan si Dels na nagbebenta ng hinihinalang shabu sa isang undercover police asset sa bahagi ng Purok Neogan.

Matapos ang transaksyon, agad siyang dinakip ng mga operatiba. Nasamsam mula sa kanya ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na ginamit bilang ebidensiya.

Sa impormasyong nakuha mula sa Police Station 3, tiniyak ng mga awtoridad na lalo pa nilang paiigtingin ang kampanya kontra iligal na droga sa lungsod.

Ang operasyon ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Cotabato City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) sa pamumuno ni PCapt. Jonathan Marciano, katuwang ang 4th Maneuver Platoon ng CMFC sa pangunguna ni PCapt. Andres Samantilla, Jr., at mga tauhan ng Police Station 3.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.