Arestado ang isang high-value individual (HVI) sa ikinasang operasyon laban sa iligal na droga ng mga awtoridad dakong alas-12:30 ng tanghali kahapon Hulyo 11, 2025 sa Barangay Basak Malutlut, Marawi City, Lanao del Sur.
Kinilala ang suspek na si Nur Jamal N. Dimalutang alyas “Bolkie,” lalaki, may asawa, nasa hustong gulang, at residente ng Barangay Kalaw Cawayan, Marantao, Lanao del Sur. Isinagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng RDEU PRO BAR, RIAT RID PRO BAR, PSOG/PDEU, PIU ng Lanao del Sur PPO, 1401st, 1403rd, 1405th RMFC RMFB14-A, 1st PMFC at CDEU Marawi CPS, laban sa target na si alyas “Sabrie Sultan” at mga kasamahan.
Nasamsam sa operasyon ang hinihinalang shabu na tinatayang nasa 750 gramo ang bigat at may standard drug price na P5,100,000.00. Kasama rin sa narekober ang isang tunay na P1,000 bill na ginamit bilang marked money, na nakapatong sa 700 piraso ng ginupit na photocopied P1,000 bills na inilagay sa berdeng plastic cellophane, at isang kulay itim na YAMAHA NMAX na may temporary plate number 1017-8105022.
Isinagawa ang aktwal na imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng suspek at mga kinatawan mula sa DOJ at media bilang insulating witnesses. Ang pagkakaaresto kay Dimalutang ay resulta ng isang buwang monitoring at intelihensiya sa ilalim ng direktiba ni PBGEN Jaysen C. De Guzman.
Ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Marawi City Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.