Naaresto ang isang lalaki sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Purok Tadukon, Barangay Tamontaka 4, Cotabato City, ngayong Hulyo 22, 2025 bandang alas-7:10 ng umaga.

Kinilala ang suspek na si Datumama Talilisan Kasim, alyas “Datu Mama,” 38 taong gulang, may asawa, isang magsasaka at residente ng naturang lugar. Siya ay itinuturing na high-value individual (HVI) kaugnay ng ilegal na droga.

Batay sa ulat, nakabili ang police poseur buyer ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa suspek. Ang naturang droga ay tinatayang may bigat na 5 gramo at nagkakahalaga ng P6,000, ngunit may standard drug price na P34,000.

Kasunod ng pag-aresto, nasamsam din mula sa suspek ang isang coin purse na naglalaman ng 20 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 0.10 gramo at halagang P6,800. Nakuha rin ang 12 piraso ng P500 na pera, kung saan isa ang tunay at ang iba ay photocopy na ginamit bilang buy-bust money.

Ang operasyon ay isinagawa ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Police Station 3 ng Cotabato City Police Office, sa pangunguna ni PCPT Kenneth Van A. Encabo, katuwang ang 4th MP CMFC at MPU CCPO, sa koordinasyon ng PDEA-BARMM.

Ang lahat ng nakuhang ebidensya ay na-inventory, namarkahan, at na-dokumento sa lugar ng operasyon sa harap ng mga kinatawan mula sa barangay, media, at Department of Justice.

Naipaliwanag din sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine at Anti-Torture Law. Siya ay sumailalim sa medikal na pagsusuri at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang inihahanda ang kaso laban sa kanya sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.