Isang 28-anyos na lalaki ang naaresto ng mga awtoridad sa ikinasang buy-bust operation sa Purok 5, Barangay Rosary Heights 9, Cotabato City bandang 10:45 ng umaga nitong Hulyo 29, 2025.

Kinilala ang suspek na si Abubakar Kunsi Maguid, may asawa, isang payong-payong driver, at residente ng Matalam Street, Barangay Rosary Heights 10. Itinuturing si Maguid bilang High-Value Individual (HVI) sa kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga sa lungsod.

Pinamunuan ni Police Captain Harmin O. Sinsuat, Station Commander ng Police Station 1, ang operasyon katuwang ang mga tauhan ng City Mobile Force Company (CMFC), 1404th Regional Mobile Force Battalion (RMFB 14A), at Cotabato Police Drug Enforcement Unit (CPDEU). Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng coordination certificate mula sa PDEA-BARMM.

Naaresto si Maguid matapos niyang bentahan ng hinihinalang shabu ang isang poseur-buyer. Nasamsam mula sa kanya ang pitong medium-size na sachet ng hinihinalang shabu.

Kasama rin sa mga nakumpiskang ebidensya ang dalawang tunay na P1,000 bill na ginamit bilang marked money, 37 piraso ng boodle money na tig-iisang libo, isang walang lamang pakete ng Fort na sigarilyo, isang Redmi Android phone, isang susi ng mini van na may plakang MBF 3668, at isang walang lamang puting delivery pouch.

Ang inventory, pagmamarka, at tagging ng mga ebidensya ay isinagawa sa presensya ng mga kinatawan mula sa media, Department of Justice, at ng Punong Barangay ng Rosary Heights 9.

Naipabatid sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal at agad siyang dinala sa Police Station No. 1 para sa kaukulang disposisyon.

Inihahanda na ng mga otoridad ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa kanya.