Nabuwag ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA BARMM ang isang hinihinalang drug den sa Poblacion 2, Cotabato City, kung saan anim na katao ang naaresto sa ikinasang buy-bust operation kahapon, Agosto 7.
Ayon sa PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office, pinangunahan nila ang operasyon sa tulong ng Regional Special Enforcement Team, Land Transportation Interdiction Unit, PNP Maritime Group, Cotabato City Police Office – City Intelligence Unit, Police Station 1, City Mobile Force Company, at 1404th Regional Mobile Force Battalion.
Nasamsam sa lugar ang dalawampung (20) pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang sampung (10) gramo, iba’t ibang drug paraphernalia, marked money, at isang cellphone.
Kinilala ang mga suspek bilang sina alyas “Abs,” 29, na umano’y tagapamahala ng drug den; alyas “Nas,” 18; alyas “Ansay,” 34; alyas “Sammy,” 32; alyas “Asma,” 21; at alyas “Derhanie,” 25.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.