Himas-rehas ngayon ang isang 30-anyos na construction worker matapos maaktuhang bumabatak ng ilegal na droga sa Sitio Mangga, Barangay Katuli, sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang suspek sa alyas na Mel, residente rin ng nasabing lugar.

Ayon kay Barangay Chairman at BADAC Chairman Kapitan Surab Eman, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa umano’y isinasagawang pot session sa kanilang barangay, dahilan upang agad maglunsad ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng Police Drug Enforcement Unit (PDEU) at Sultan Kudarat Municipal Police Station.

Naaktuhan si Mel na nasa kalagitnaan ng paggamit ng hinihinalang shabu. Nakuha sa kanyang pag-iingat ang tatlong sachet ng umano’y shabu na may kabuuang bigat na 0.18 gramo, pati na rin ang ilang drug paraphernalia.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek sa Sultan Kudarat Municipal Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.