Nagpalabas ng Memorandum Order No. 037 ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) Central Committee noong Agosto 16, 2025 na nagbabawal sa lahat ng mga Front Commanders, Base Commanders, at iba pang line agencies ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) at MILF na dumalo o makilahok sa mga aktibidad ng decommissioning at normalization na isinasagawa ng pamahalaan at ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) nang walang pahintulot o nakasulat na awtorisasyon mula sa pamunuan ng MILF.
Batay sa kautusan, ipinatupad ang hakbang kasunod ng resolusyon ng Central Committee noong Hulyo 19, 2025, na pansamantalang nagsuspinde sa pagpapatupad ng ika-apat at huling yugto ng decommissioning process.
Binigyang-diin sa memorandum na kailangang mahigpit na sundin ng mga kumander at kanilang mga tauhan ang wastong protocol at opisyal na channels sa pakikipag-ugnayan sa mga kinatawan ng pambansang pamahalaan.
Mariing ipinag-utos na walang sinumang kumander, deputy commander, o kinatawan ng alinmang ahensya ng MILF ang maaaring lumahok sa anumang unilateral na aktibidad ng gobyerno kaugnay ng normalization nang walang pahintulot ng Chairman ng MILF.
Babala pa ng MILF, ang sinumang hindi susunod sa kautusan ay maaaring maharap sa mabigat na parusa dahil itinuturing itong seryosong paglabag sa command discipline at maaaring maging batayan ng administratibo at disciplinary action.
Ang naturang kautusan ay nilagdaan ni MILF Central Committee Chairman Al Haj Murad Ebrahim at agad na ipinatutupad.