Pinangunahan ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, ang matagumpay na Live Fire Exercise (LFX) na itinampok bilang bahagi ng Culmination Activity ng External Security Operations (ESO) Training ng 6th Field Artillery Battalion (6FAB) sa bayan ng Datu Unsay, Maguindanao del Sur.
Ang nasabing pagsasanay ay maingat na pinagplanuhan sa pamumuno ni Colonel Marlo S. Jomalesa, Deputy Brigade Commander ng 601Bde, upang matiyak ang kaligtasan ng mga kalahok at ng mga residente sa lugar. Layunin nito na masubukan ang kahandaan ng artillery troops sa pagbibigay ng fire support sa mga maneuver units ng 6th Infantry (Kampilan) Division sa aktwal na operasyon.
Sa pamamagitan ng live firing ng mga artillery weapons systems, ipinamalas ng 6FAB sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Tara V. Cayton ang kanilang katumpakan, bilis at koordinadong pagkilos — mga kasanayang itinuturing na mahalaga upang mapanatili ang kalamangan sa laban at seguridad sa Central Mindanao.
Kabilang sa mga nakasaksi sa aktibidad ang ilang opisyal at stakeholders gaya nina MP Rasul E. Ismael ng Bangsamoro Transition Authority-BARMM, Hon. Datu Rasul M. Sangki, Mayor ng Ampatuan, Hon. Datu Andal S. Ampatuan, Mayor ng Datu Unsay, mga kinatawan ng media, reservists mula sa 16th RCDG, at iba pang panauhin.
Binigyang-diin ni Brig. Gen. Catu na ang ganitong uri ng pagsasanay ay hindi lamang nagpapalakas sa kakayahan ng yunit, kundi nagpapatibay rin sa panata ng kasundaluhan na ipagtanggol ang mga komunidad laban sa anumang banta. Pinuri rin ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang ipinakitang galing ng mga artillerymen at kinilala ang malaking papel ng kanilang suporta sa matagumpay na operasyon ng dibisyon.
Patuloy namang nakatuon ang 6FAB sa modernisadong pagsasanay at propesyonalismo, bilang bahagi ng kanilang mandato na pangalagaan ang kapayapaan at seguridad ng mamamayan sa Maguindanao del Sur at buong Central Mindanao.