Nagtipon ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), mga lokal na pamahalaan, at iba pang stakeholder sa isinagawang Partners for Peace Meeting sa Barangay New Cebu, Lambayong, Sultan Kudarat kahapon July 27 upang higit pang mapalakas ang pagtutulungan sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Central Mindanao.
Pinangunahan ng 2nd Mechanized Infantry (MAKASAG) Battalion ng Philippine Army ang pagpupulong na naglalayong palakasin ang koordinasyon ng iba’t ibang sektor sa pagsusulong ng kapayapaan, seguridad, at kaayusan sa mga bayan ng Lambayong, Sultan Kudarat at Sultan sa Barongis, Maguindanao del Sur.
Sa isinagawang dayalogo, hinikayat ang mga lider ng MILF at MNLF na ipagpatuloy ang kanilang pakikiisa sa pagpigil sa mga alitan, paghadlang sa mga grupong maaaring makasagabal sa proseso ng kapayapaan, at pagpapanatili ng katahimikan sa kani-kanilang nasasakupan.
Nagpahayag naman ng suporta ang mga commander ng ilang base commands ng MILF-BIAF at mga kinatawan ng MNLF sa mga hakbang ng pamahalaan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Binigyang-diin ni 1st Mechanized Brigade Commander Brigadier General Omar V. Orozco ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng lahat ng sektor upang matiyak ang mapayapa, maayos, at kapanipaniwalang pagsasagawa ng kauna-unahang regular na Bangsamoro Parliamentary Elections.
Isa sa naging tampok ng aktibidad ang paglagda sa Memorandum of Understanding o MOU para sa Partners for Peace Initiative sa pagitan ng 1st Mechanized Brigade, MILF, at MNLF bilang simbolo ng kanilang sama-samang pangako na higit pang palakasin ang kooperasyon sa pagpigil sa sigalot at pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa lugar.

















