Mariing pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga alegasyong inilabas ng grupong Karapatan Southern Tagalog kaugnay ng sunod-sunod na engkuwentro sa Barangay Cabacao, Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1, 2026.

Ayon sa AFP, ang isinagawang operasyon ay isang lehitimo at intelligence-driven mission laban sa mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) na patuloy umanong nagdudulot ng banta at karahasan sa mga komunidad. Nilinaw ng militar na ang ginamit na air support ay para lamang sa proteksiyon ng tropa sa lupa at isinagawa ito alinsunod sa Rules of Engagement, na may mahigpit na pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng mga sibilyan.

Giit pa ng AFP, walang sibilyang komunidad ang tinarget sa naturang operasyon.

Binigyang-diin din ng militar na noong Disyembre 31, 2025, nakasamsam ang kanilang mga tauhan ng 42 anti-personnel mines at mahigit 100 improvised hand grenades sa Occidental Mindoro. Ayon sa AFP, malinaw umano itong patunay na mapanlinlang ang sinasabing tigil-putukan ng CTG, dahil patuloy pa rin umano ang paghahanda ng mga ipinagbabawal na armas na maaaring makapinsala sa mga sundalo at sibilyan.

Tinukoy ng AFP ang nasabing tigil-putukan bilang isang panlilinlang na layong iligaw ang mga pwersa ng gobyerno, subalit iginiit ng militar na nanatili silang alerto at hindi nagpabaya sa seguridad.

Muli ring nanawagan ang AFP sa mga natitirang miyembro ng CTG na itigil na ang armadong pakikibaka, sumuko sa pamahalaan, at tahakin ang landas ng kapayapaan upang muling makapamuhay nang normal at makapag-ambag sa kaunlaran ng kanilang mga komunidad.

Sa huli, tiniyak ng AFP ang patuloy nitong paninindigan sa pagprotekta sa mga komunidad, paggalang sa karapatang pantao, at pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.