Nanawagan ang Philippine Army sa publiko na maging maingat sa pagtanggap ng mga kumakalat na impormasyon sa social media kaugnay ng sinasabing human rights violations sa naganap na engkwentro sa Toboso, Negros Occidental.

Sa isang pahayag, iginiit ng militar na nangangailangan ng masusing pagsusuri ang mga alegasyong nagsasabing ang mga nasawi sa insidente ay pawang mga sibilyan tulad ng mga researcher, mamamahayag, student leaders, at social workers.

Ayon sa Army, mahalagang bigyang-linaw ang presensya ng mga indibidwal sa mismong lugar ng engkwentro, lalo na kung may kinalaman ito sa paggamit ng armas at pakikilahok sa sagupaan laban sa mga sundalo.

Binigyang-diin din ng militar ang kanilang pagsunod sa umiiral na batas, kabilang ang International Humanitarian Law at paggalang sa karapatang pantao, kasabay ng pagtupad sa kanilang tungkulin.

Dagdag pa ng Philippine Army, hindi dapat basta tanggapin ang mga paratang nang walang sapat na beripikasyon, at nararapat lamang na idaan ang mga ganitong usapin sa tamang proseso ng imbestigasyon at legal na mekanismo.

Giit ni Army Spokesperson Col. Louie G. Dema-ala, dapat iwasan ang pagbibigay ng hatol base lamang sa mga ulat sa social media, at sa halip ay pairalin ang maingat at patas na pagbusisi sa mga pangyayari.