Maski tinaasan na ang sinasahod at benepisyo at binigyang pagpapahalaga ng administrasyong nagdaan hanggang sa kasalukuyan ang kanilang hanay, may iba pa ring kapulisan ang tiwalag sa hanay at gumagawa pa rin ng tiwaling gawain.
Napatunayan ito ng PDEA BARMM matapos na maaresto nito ang isang aktibong miyembro ng pulisya at mga kasamahan nito sa isang buy-bust operations sa Barangay San Raymundo, Jolo sa Sulu.
Magkakatuwang na nakuha ng kapulisan at PDEA BARMM ang aabot sa 13.6 milyong piso na halaga ng suspetsadong shabu sa mga suspek na may bigat na aabot sa dalawang kilo.
Kinilala naman ng PDEA BARMM ang bugok na pulis na si PSSG Moh Radja Ismula at mga kasama nito na sina Andam Alidjam, Midarmi Alidjam at Rahsi Jallaw.
Nakapiit na ang pulis-patola at mga kasamahan nito sa Patikul PNP Jail Facility at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.