Naglabas ng Regional Holiday Advisory ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) Northern Mindanao kaugnay ng paggunita ng Amun Jadid o Islamic New Year sa darating na Hunyo 16, 2026.

Ayon sa advisory na may petsang Hunyo 8, 2026, ang pagdiriwang ng Amun Jadid ay tumatapat sa ika-1 ng Muharram 1448 sa kalendaryong Islamiko. Ipinaalala ng NCMF na alinsunod ito sa Presidential Decree No. 1083 o Code of Muslim Personal Laws of the Philippines.

Nakasaad sa advisory na opisyal na ipinagdiriwang ang Muslim holidays sa ilang lalawigan at lungsod kabilang ang Basilan, Lanao del Norte, Lanao del Sur, Maguindanao, North Cotabato, Sultan Kudarat, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte at Zamboanga del Sur, gayundin sa mga lungsod ng Cotabato, Iligan, Marawi, Pagadian at Zamboanga.

Ipinaalala rin ng komisyon na ang mga Muslim na opisyal at empleyado ng pamahalaan na nasa mga lugar na hindi kabilang sa mga nabanggit ay maaari ring hindi muna pumasok sa trabaho upang maipagdiwang ang Muslim holiday.

Samantala, nakasaad din sa advisory na maaaring magpalabas ng proklamasyon ang Pangulo ng Pilipinas upang payagan ang mga Muslim na empleyado sa pribadong sektor na lumiban sa trabaho para sa pagdiriwang ng Muslim holiday nang walang bawas sa kanilang karaniwang kompensasyon.

Ang advisory ay nilagdaan ni Atty. Mohammad Hussien B. Lucman, Chief Administrative Officer at concurrent Officer-in-Charge ng NCMF Northern Mindanao, at pinagtibay ni Regional Director Dr. Abdulmasorong Masorong Jr.