Mahigpit na ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang kanilang anti-colorum operation laban sa mga pampasaherong jeepney o PUJ na walang kaukulang dokumento tulad ng prangkisa at Certificate of Convenience ngayong Mayo 20, 2026 sa buong Cotabato City.
Ayon kay TDO II Zuharto Bagundang ang Assistant Team Leader, layunin ng operasyon na matiyak na lehitimo at ligtas na bumibiyahe ang mga pampublikong sasakyan upang maprotektahan ang kapakanan ng mga pasahero.
Sinabi ni Bagundang na kabilang sa kanilang sinusuri ang mga dokumento ng mga PUJ drivers at operators, lalo na ang franchise at iba pang legal na papeles. Aniya, ang mga mahuhuling lumalabag ay papatawan ng kaukulang multa at parusa alinsunod sa umiiral na batas.
Bukod dito, mahigpit ding minomonitor ng LTFRB ang tamang paniningil ng pamasahe dahil ito umano ang isa sa mga madalas na violations na naitatala laban sa ilang PUJ drivers.
Kasama rin sa operasyon ang pag-inspeksyon sa road worthiness ng mga sasakyan upang matiyak kung ligtas pa itong bumiyahe at walang sira na maaaring magdulot ng panganib sa mga pasahero at motorista.
Ayon pa sa LTFRB, magtatagal hanggang Disyembre ang nasabing operasyon at patuloy itong isasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Cotabato City bilang bahagi ng kampanya laban sa mga colorum at hindi ligtas na pampasaherong sasakyan.
Samantala, nanawagan si Bagundang sa mga operator at driver na kumpletuhin ang kanilang mga requirements at makipag-ugnayan sa LTFRB upang malaman ang tamang proseso sa pagkuha ng prangkisa at iba pang kinakailangang dokumento para legal na makabiyahe.














