Arestado ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos masamsaman ang hinihinalang shabu at baril sa Brgy. Sibsib, Tulunan, Cotabato.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Nol,” 35-anyos at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa ulat, pinangunahan ni PMAJ Rolando L. Dillera Jr. ang pagpapatupad ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 noong Mayo 11, 2026 bandang alas-9:00 ng gabi.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency Region XII at nasaksihan ng kinatawan mula sa Radyo Sincero gayundin ng isang Barangay Kagawad bilang mga mandatory witness.

Nakumpiska mula sa suspek ang limang sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang dalawang gramo at may standard drug price na aabot sa Php13,600.00.

Bukod dito, narekober din ng mga operatiba ang isang kalibre .38 revolver na may tatlong buhay na bala.

Agad namang ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang naaayon sa batas bago dinala sa Tulunan Municipal Police Station para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso.