Arestado na ang mga indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa brutal na pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at sa kanyang walong taong gulang na anak na si John Ysmael.
Ayon kay PNP-National Capital Region Police Office Chief PMGen. Anthony Aberin, nadakip ang mga suspek sa Quezon City. Isa sa kanila ay isang car agent, kasama ang kanyang asawa na dating pulis na na-dismiss na sa serbisyo. Ang pag-aresto ay isinagawa nang maaga kaninang umaga batay sa inisyal na ulat.
Ang mga kapulisan ay nakahanda ring ilahad ang karagdagang detalye tungkol sa pagkakakilanlan ng mga nadakip.
Matatandaan na natagpuan ang bangkay ni Sgt. Mollenido sa Enero 24 sa creek sa Pulilan–Baliuag Bypass Road, Barangay Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan. Limang araw matapos nito, natagpuan naman si John Ysmael sa liblib na lugar sa Barangay Maluid, Victoria, Tarlac. Pareho na sa advanced state of decomposition ang mga bangkay.
Batay sa inisyal na ulat, napatay si Sgt. Mollenido dahil sa tama ng bala sa ulo, habang ang bata ay namatay dahil sa asphyxia o kakulangan sa hangin.
Ayon sa pamilya, huling nakita ang mag-ina noong Enero 16 at opisyal na na-report sa awtoridad na nawawala sila noong Enero 19. Ayon sa imbestigasyon, balak sana nilang makipagkita sa car agent sa Novaliches, Quezon City matapos magbenta ng sasakyan.
Patuloy na isinasagawa ng pulisya ang DNA tests sa mga biktima matapos matagpuan ang mga bakas ng dugo sa bahay ng car agent, na lumabas sa isinagawang luminol test. Kasalukuyan ring iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng krimen.

















