Nasamsam ng mga operatiba ng Tacurong City Police Station katuwang ang iba pang ahensiya ang tinatayang kalahating milyong piso na halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang operasyon kahapon ng umaga sa Purok Linglingay, Barangay New Carmen, Tacurong City, Sultan Kudarat.

Sa bisa ng search warrant, pinasok ng mga otoridad ang tahanan ng isang suspek na kabilang sa listahan ng PDEA High Value Target.

Kabilang sa mga nakuha sa operasyon ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number, apat na bala, isang basyo ng bala para sa parehong kalibre, at siyam na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may iba’t ibang sukat. Nakuha rin ang isang improvised “tooter” o kagamitan sa paggamit ng ilegal na droga.

Sa kabuuan, umabot sa 77.83 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa suspek na may tinatayang halagang P529,244.00.

Sa ngayon, nakakulong ang suspek sa lock-up cell ng Tacurong City Police Station. Patuloy namang nananawagan ang kapulisan sa publiko na iwasan ang paggamit at pagtutulak ng ipinagbabawal na gamot upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.