Matagumpay na naisagawa ng 38th Infantry (We Clear) Battalion ng Philippine Army ang isang peace mediation sa pagitan ng pamilya Lacay at pamilya Alab mula sa Barangay Magsaysay, Polomolok, South Cotabato.

Ang aktibidad ay ginanap noong Setyembre 17, 2025 sa himpilan ng batalyon sa Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato sa pamumuno ni LTC Erwin E. Felongco, Commanding Officer ng yunit.

Pinangunahan ang programa ni BGEN Omar V. Orozco, Commander ng 1st Mechanized (Maaasahan) Brigade, Armor Division, Philippine Army. Sa kanyang mensahe, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagkakasundo at patuloy na pagtutulungan para sa kapayapaan.

Bahagi rin ng aktibidad ang pormal na pagsuko ng ilang armas at bala kabilang ang dalawang M16 rifles na may magasin at live ammunition, isang M79 grenade launcher na may M203 ammunition, at isang kalibre .45 na pistola.

Dumalo sa nasabing mediation sina Mayor Bernie D. Palencia ng Polomolok, Konsehal Billy Bert C. Baitus na siyang Chairman ng Committee on Peace and Order and Public Safety, Datu Ambas S. Cartil Sr. na Chairman ng Muslim Council of Elders sa Polomolok, Ustadz Salahudin Maguiguilid, kinatawan ng South Cotabato Police Provincial Office na si PCPT Analiza B. Domingo, Police Chief PLTC Harold V. Cornel ng Polomolok, at Punong Barangay Emmanuel Labrador ng Barangay Magsaysay.

Ayon sa 38th Infantry Battalion, patunay ang nasabing pagkakasundo sa kanilang patuloy na pagsusumikap na isulong ang kapayapaan sa South Cotabato sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga lokal na opisyal, lider-komunidad at mga mamamayan.

Binigyang-diin din ng Philippine Army na bahagi ito ng kanilang misyon na “To serve the people and secure the land.” Bukod sa pagbibigay-proteksyon, nakatuon din ang kanilang tungkulin sa pagtataguyod ng pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran para sa lahat ng Pilipino.

Via 38th Infantry (We Clear) Battalion, Philippine Army