Dalawa ang kumpirmadong nasawi sa naganap na insidente sa Junior High School campus ng Ateneo de Zamboanga University ngayong araw, August 18 ayon sa inilabas na opisyal na pahayag ng pamunuan ng unibersidad.

Sa kasalukuyan, patuloy na nakikipag-ugnayan ang unibersidad sa mga awtoridad upang makuha ang kumpletong ulat kaugnay ng insidente.

Binigyang-diin ng unibersidad na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Dahil dito, agad na nakipag-ugnayan ang paaralan sa mga magulang at tagapag-alaga upang masundo ang kanilang mga anak, habang tiniyak naman ang kaligtasan ng mga mag-aaral na nananatili sa loob ng campus.

Nanawagan din ang Ateneo de Zamboanga University sa publiko na iwasang magbahagi ng mga hindi beripikadong impormasyon, larawan, at video na may kaugnayan sa insidente dahil maaari itong makasama sa mga sangkot at makaapekto sa isinasagawang imbestigasyon.

Samantala, hiniling ng pamunuan ng unibersidad sa publiko na igalang ang pribasiya ng mga indibidwal na apektado ng insidente habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Nangako rin ang pamunuan na maglalabas ng karagdagang impormasyon sa sandaling makumpirma ang lahat ng detalye.