Inakusahan ni dating Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Atty. Rowena V. Guanzon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng umano’y pakikialam sa budget ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Inilahad ni Guanzon ang naturang puna sa kanyang mensahe ng pagbati sa mga bagong halal na opisyal kasunod ng kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Ayon kay Guanzon, nakaaapekto umano ang pakikialam ng Malacañang sa kakayahan ng rehiyon na maisagawa ang mga kinakailangang proyekto sa kabila ng malaking pondong nakalaan dito.
Sinabi rin niyang nananatiling mahirap ang rehiyon at may mga proyektong hindi maisakatuparan dahil sa umano’y pakikialam ng pambansang pamahalaan.
Samantala, nagpahayag ng pagbati si Guanzon sa mga bagong halal na kasapi ng Bangsamoro Parliament at hinikayat ang mga itong kumilos para sa kapakanan ng buong Bangsamoro.
Inaasahan din niyang magpapatuloy ang pag-unlad ng rehiyon at ng mga mamamayan nito.
Nagpasalamat din si Guanzon sa mga indibidwal at ahensyang naging bahagi ng pagsubaybay at pagsasagawa ng makasaysayang halalan.

















