Arestado ang isang babae na kilala sa alyas na “Bebe” matapos mahuli sa iligal na pagbebenta ng smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa bayan ng Matanog, Maguindanao del Norte noong Abril 23, 2026.

Isinagawa ang operasyon sa kahabaan ng Narciso National Highway sa Barangay Bugasan Norte sa ilalim ng programang “Oplan Megashopper.” Pinangunahan ito ng CIDG Cotabato CFU, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at ang Bureau of Customs, gayundin ang lokal na kapulisan ng Matanog.

Sa operasyon, nakumpiska ang tinatayang Php 1,847,440 halaga ng mga smuggled na sigarilyo na walang kaukulang dokumento at kulang sa kinakailangang graphic health warnings. Kabilang sa mga nasamsam ang 35 kahon ng “Fort” cigarettes, dalawang sasakyan (isang multicab at isang van), boodle money, at isang tunay na Php 1,000 bill na ginamit sa operasyon.

Ayon kay Niño Lope M. Briones, Officer-in-Charge ng CIDG RFUBAR, malaking tulong ang matagumpay na operasyon sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na kalakalan ng sigarilyo sa rehiyon. Pinuri rin niya ang mga operatiba sa kanilang maayos na koordinasyon at dedikasyon sa pagtupad ng tungkulin.

Mahaharap ang suspek sa kaukulang kaso kaugnay ng paglabag sa mga batas laban sa smuggling at ilegal na pagbebenta ng produktong tabako.

Tiniyak naman ng CIDG na magpapatuloy ang kanilang operasyon upang sugpuin ang lahat ng uri ng smuggling at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa komunidad.