Napatay ng tropa ng Philippine Army ang isang babaeng miyembro ng CPP-NPA sa isang engkuwentro sa Sitio Naatip, Barangay Lahug, Tapaz, Capiz noong Setyembre 13.

Kinilala ang nasawi na si Christine May Capaducio, alyas “Sheryl”, na nagsilbing platoon medic ng Regional Headquarters ng KR-Panay. Ayon sa ulat, narekober ng militar mula sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang M16 rifle, mga bala, isang bandolier, at ilang backpack.

Batay kay 61st Infantry Battalion Commander Lt. Col. Jekyll Julian Dulawan, ang operasyon ay lehitimong hakbang upang tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad laban sa banta ng armadong grupo. Binalaan din niya ang publiko laban sa propaganda ng CPP-NPA na aniya’y pumapabor sa karahasan at nagdudulot lamang ng pagdurusa sa mga pamilya.

Kinumpirma naman ng mga dating rebelde na si Capaducio, anak ng PAMANGGAS chairperson na si Lucia Capaducio, ay aktibong kasapi ng kilusan. Sa kasalukuyan, nakalagak ang kanyang mga labi sa SOMO Funeral Homes sa Tapaz at hinihintay ang pagkuha ng kanyang pamilya.

Muli namang nanawagan ang militar sa mga natitirang kasapi ng NPA na sumuko at samantalahin ang programa ng pamahalaan para sa pagbabalik-loob. Giit ng Army, ang tunay na landas tungo sa kaunlaran ay kapayapaan at hindi ang armadong pakikibaka.

VIA 61st Infantry “Hunter” Battalion