Pormal nang pinasinayaan ng Bangsamoro Government sa pamamagitan ng Ministry of Public Works (MPW) ang Libungan Torreta-Kabuntalan Bridge kasabay ng turnover ng 17 mahahalagang infrastructure projects sa Special Geographic Area (SGA) nitong Lunes, Mayo 25.

Pinangunahan ang aktibidad ng tanggapan ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua sa pamamagitan ni Chief of Staff Jamel Macacua kasama si MPW Minister Eduard Uy Guerra sa isinagawang mass turnover ceremony sa Pahamuddin, SGA.

Tampok sa programa ang pagkumpleto ng Phase 1 at 2 ng Libungan Torreta-Kabuntalan Bridge, isang 150-linear meter na tulay na ganap na pinondohan mula sa block grant ng BARMM na may kabuuang pondong aabot sa P180 milyon.

Bukod sa tulay, itinurn-over din ng MPW ang 17 natapos na road concreting projects at Level II water systems na layuning mapabuti ang konektibidad, mapagaan ang transportasyon, at mapalakas ang kalakalan at serbisyong pangkabuhayan sa mga komunidad sa SGA at Maguindanao del Norte.

Sa mensaheng inihatid para kay Minister Guerra, binigyang-diin ni Bangsamoro Director General Engr. Danilo Ong ang kahalagahan ng bagong tulay sa pagpapadali ng biyahe at pagpapalawak ng oportunidad para sa mga residente, kabilang ang pagiging alternatibong ruta upang maiwasan ang matinding trapiko sa Cotabato City.

Samantala, sinabi ni Jamel Macacua na patunay ang malawakang imprastraktura ng prayoridad ng Bangsamoro Government na mapaunlad ang mga komunidad sa pamamagitan ng konkretong proyektong direktang napapakinabangan ng mamamayan at nakatutulong sa pagsusulong ng kapayapaan at pag-unlad sa rehiyon.

Ibinahagi rin ni MPW Construction Division Chief at Cotabato City Acting District Engineer Tarhata Kalim ang naging mahigit dalawang taong konstruksyon ng tulay, na inilarawan bilang simbolo ng pagkakaisa, pag-asa, at kaunlaran para sa Bangsamoro communities.

Nagpasalamat naman ang mga lokal na opisyal ng Pahamuddin at Northern Kabuntalan sa patuloy na pamumuhunan ng regional government, na ayon sa kanila ay malaking tulong sa pagpapabilis ng biyahe, pagpapalakas ng kabuhayan, at pagkonekta ng mga komunidad sa mas maraming oportunidad.