Ipinakita ni George Garcia ang higanteng sample ballot na gagamitin sa kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections sa Setyembre 2026, kung saan halos kasintangkad na ito ng mismong opisyal dahil sa haba ng listahan ng mga partido at kandidato.
Sa unang pahina ng balota makikita ang mga political party at mga tatakbong District Representatives, habang ang ikalawang pahina naman ay inilaan para sa 190 rehistradong sectoral groups sa ilalim ng komisyon.
Ayon kay Garcia, maaari pang humaba ang balota matapos amyendahan ng Bangsamoro Parliament ang Bangsamoro Electoral Code upang payagan ang mas maraming sectoral parties na makalahok sa halalan, dahilan upang sumailalim muli sa masusing accreditation ang mga aplikanteng grupo.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng Commission on Elections ang mga residente ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na hindi pa rehistrado na agad magpatala bilang botante.
Nagsimula ang voter registration noong Pebrero 9 at magtatapos sa Marso 31, 2026, kung saan maaari ring magparehistro sa pamamagitan ng Register Anywhere Program o RAP sa alinmang Comelec office, piling mall, at public plazas sa buong bansa.
Target ng Comelec na masiguro na walang maiiwang botante para sa nakatakdang sabayang Parliamentary, Barangay at SK Elections sa susunod na taon.

















