Ilang umano’y iregularidad at matagal nang suliranin sa loob ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) noong panahon ng dating minister na si Mohagher Iqbal ang naging sentro ng masusing pagtalakay sa isinagawang oversight hearing ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament.
Pinangunahan ang pagdinig ng Committee on Basic, Higher and Technical Education sa ilalim ni Member of Parliament Dr. Tomanda Antok at ng Committee on Finance, Budget and Management na pinamumunuan ni MP Atty. Kitem Kadatuan Jr., upang busisiin ang mga usaping nauna nang lumutang sa budget deliberations, mga natuklasan ng Education Commission II (EDCOM II), at mga obserbasyon ng Commission on Audit (COA).
Isa sa mga pangunahing isyung tinalakay ang umano’y “slot-for-sale” scheme kung saan may mga aplikanteng hinihingan umano ng hanggang P300,000 kapalit ng pagtatalaga sa mga posisyon sa pagtuturo sa rehiyon.
Ayon sa mga resource persons, maaaring nakaapekto ang naturang usapin sa pagpuno ng mahigit 10,000 plantilla positions na kinakailangan upang matugunan ang patuloy na pagdami ng mga mag-aaral sa Bangsamoro.
Nausisa rin sa pagdinig ang matagal na pagkaantala sa pagproseso ng mga appointment ng mga guro at iba pang kawani ng MBHTE, kung saan tinatayang aabot sa humigit-kumulang 30,000 personnel ang naapektuhan ng hindi pa ganap na pagkakalagay sa mga permanenteng posisyon.
Kinuwestiyon ng ilang mambabatas kung bakit nananatiling hindi pa rin nalulutas ang naturang usapin sa kabila ng mga naunang talakayan at rekomendasyon sa mga nakaraang pagdinig.
Tinalakay rin ang umano’y mga taon ng pagkaantala sa remittance ng Government Service Insurance System o GSIS contributions ng ilang guro, gayundin ang mabagal na migration process ng mga empleyado mula sa dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) patungo sa Bangsamoro Government system.
Ipinaliwanag sa pagdinig na ang migration process ay may kaugnayan sa localization ng mga plantilla positions mula sa Department of Budget and Management (DBM) patungo sa Ministry of Finance, Budget and Management (MFBM), alinsunod sa autonomous structure ng BARMM.
Isa pang isyung lumutang sa pagdinig ang umano’y “two persons, one item” arrangement kung saan dalawang indibidwal umano ang tumatanggap ng sahod mula sa iisang plantilla position.
Habang nagpapatuloy ang pagdinig, nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang miyembro ng Parlamento sa mga paliwanag na ibinigay ng ilang opisyal ng MBHTE.
Ayon kay MP Khalid Hadji Abdullah, matagal nang tinatalakay ang ilan sa mga naturang problema ngunit nananatili pa rin umanong hindi naaayos.
Nagbabala naman si MP Datu Michael Midtimbang sa mga empleyadong hindi umano nagagampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at sinabing dapat nilang ikonsidera ang pagbibitiw kung hindi nila kayang tugunan ang kanilang mga responsibilidad.
Ipinahayag din ni MP Ma-arouph Candao ang kanyang pagkabahala sa epekto ng mga kontrobersiya at umano’y katiwalian sa kalagayan ng edukasyon sa Bangsamoro.
Samantala, kinuwestiyon ni MP Zul Bayam ang mga umano’y sistematikong problema sa loob ng ministeryo habang tinawag naman ni Deputy Speaker Baintan Ampatuan na isang seryosong kapabayaan ang pitong taong pagkaantala sa migration process ng mga empleyado.
Tumagal hanggang gabi ang pagdinig habang patuloy na hinihingan ng mga mambabatas ng paliwanag ang mga kinatawan ng MBHTE hinggil sa mga isyung kanilang natukoy.
Ayon sa mga mambabatas, layunin ng pagdinig na matukoy ang lawak ng mga suliranin sa loob ng ministeryo at makatulong sa pagpapatupad ng mga kinakailangang reporma sa ilalim ng kasalukuyang pamunuan ng Bangsamoro Government.
Home Local News Bangsamoro lawmakers, siniyasat ang umano’y mga iregularidad sa MBHTE noong panahon ni...

















