Itinutulak ng Bangsamoro Parliament ang agarang pagpapatupad ng dalawang batas na naglalayong magtatag ng memorial site at eco-park bilang paggunita sa kasaysayan at pakikibaka ng Bangsamoro.
Sa isinagawang oversight hearing noong Pebrero 3, tinalakay ng Committee on Trade, Investment, and Tourism (CTIT) kasama ang mga kaukulang ministeryo at ahensya ang mga hakbang sa pagpapaunlad ng mga proyektong nakapaloob sa Bangsamoro Autonomy Act No. 60 at No. 61.
Sa ilalim ng BAA No. 60, idineklara bilang protektadong makasaysayang pook ang himlayan ng yumaong Sheikh Salamat Hashim, founding chairperson ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, at ng yumaong Abdul Aziz Mimbantas, MILF vice chair for Military Affairs.
Samantala, ang BAA No. 61 ay nagtatakda ng pagtatayo ng memorial marker at eco-park sa Camp Abubakar sa Barira, Maguindanao del Norte, bilang parangal sa mga shuhada o martir ng pakikibakang Bangsamoro.
Nagbahagi ng kani-kanilang plano para sa disenyo at pagpapaunlad ng mga lugar ang mga kinatawan mula sa Ministry of Trade, Investment, and Tourism, Ministry of Public Works, Ministry of Environment, Natural Resources and Energy, at Ministry of Finance, Budget, and Management, kasama ang Bangsamoro Commission for the Preservation of Cultural Heritage at Darul-Ifta’.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na kailangang maisakatuparan agad ang mga proyekto upang mapangalagaan ang kasaysayan ng rehiyon, mabigyang-parangal ang mga bayani ng Bangsamoro, at higit pang mapalakas ang turismo sa BARMM.
Ayon kay CTIT Chair Abdullah Hashim, magsasagawa ang komite ng regular na pulong upang tutukan ang progreso at matiyak ang agarang implementasyon ng dalawang batas.

















