Nagpahayag ng suporta ang Bangsamoro Party o BaPa sa kandidatura ni BARMM Chief Minister Abdulraof Macacua bilang kinatawan ng 3rd Parliamentary District ng Maguindanao del Norte sa nalalapit na unang BARMM Parliamentary Elections.

Ito ang inihayag ni Bangsamoro Transition Authority Member of Parliament Atty. Omar Yasser Sema kasabay ng isinagawang house-to-house campaign ng Bangsamoro Party sa Barangay Poblacion 1 at Barangay Poblacion 7 sa Cotabato City, na kabilang sa 3rd Parliamentary District ng Maguindanao del Norte.

Ayon kay Sema, naghain si Macacua ng kanyang kandidatura bilang independent candidate para sa naturang distrito.

Sinabi rin ni Sema na kabilang umano sa mga katangian ni Macacua ang pakikinig sa kanyang mga nasasakupan at pagsusulong ng inklusibong pamamahala.

Aniya, nananatiling mapagpasensiya si Macacua sa kabila ng mga kritisismong ibinabato laban sa kanya.

Dagdag pa niya, sa halip na sagutin ang mga batikos ay mas pinipili umano ni Macacua na ipagpatuloy ang paghahatid ng serbisyo publiko.