Mahigpit nang ipinatutupad ang seguridad sa Barra Elementary School sa Opol, Misamis Oriental matapos sunod-sunod na makuhanan ng mga peligrosong gamit ang mga mag-aaral sa loob ng paaralan noong Miyerkules at kahapon, Huwebes.
Itinaas ang nasabing alarma matapos makuhanan ng baril at kutsilyo ang isang 9-taong gulang na Grade 3 pupil sa loob ng kaniyang bag noong Miyerkules.
Hindi pa man nakakabawi ang paaralan sa nasabing insidente, isa pang insidente ang naitala noong Huwebes matapos makuha naman mula sa isang babaeng estudyante ang isang suklay na may matulis na dulo.
Dahil dito, mabilis na pinalakas ng pamunuan ng paaralan ang kanilang mga hakbang sa seguridad upang masiguro ang kaligtasan ng mga guro at iba pang mga mag-aaral.
Sa kasalukuyan, hindi pa natutukoy ng mga awtoridad at pamunuan ng paaralan kung paano nakuha ng mga menor de edad ang mga nasabing peligrosong bagay at kung ano talaga ang kaniyang layunin sa pagdadala ng mga ito sa loob ng silid-aralan.

















