Muling pinatunayan ng Rido-Free, Gun-Free, and Peace-Centered Community (RFGFPCC) Campaign ng 1102nd Infantry “Ganarul” Brigade ang kahalagahan ng pagkakaisa at mapayapang resolusyon ng mga alitan matapos boluntaryong isuko ng isang residente ang baril na ginamit sa insidente ng indiscriminate firing sa bayan ng Siasi, Sulu.

Ayon kay Lt. Col. Roy R. Dalumpines, Commanding Officer ng 104th Infantry “Para sa Bayan” Battalion, naging matagumpay ang pagsuko ng armas dahil sa agarang pagtugon ng mga pwersang panseguridad at patuloy na pagpapatupad ng RFGFPCC Campaign na naglalayong hikayatin ang mga komunidad na talikuran ang karahasan at resolbahin ang mga sigalot sa legal at mapayapang paraan.

Batay sa ulat, rumesponde ang mga sundalo mula sa Laminusa Patrol Base sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa Barangay Luuk, Laminusa, Siasi. Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy ang suspek na si alias “Gardo,” residente ng Barangay Pookan, Laminusa, na umano’y nagpaputok ng isang Colt M1911 pistol matapos ang mainitang pagtatalo sa ilang residente na nagbabantay sa bagong libing na kamag-anak.

Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na koordinasyon ng militar, pulisya, at mga lider ng komunidad, nagpahayag ang suspek ng kahandaang sumuko at boluntaryong isinuko ang isang Colt M1911 pistol, isang magazine, at dalawang bala ng caliber .45 sa isang pormal na turnover ceremony na isinagawa sa himpilan ng 104th Infantry Battalion sa Barangay East Kuntad, Siasi noong Hunyo 3, 2026.

Sinabi ni Lt. Col. Dalumpines na ang mabilis na pagresolba sa insidente ay patunay ng epektibong pagpapatupad ng RFGFPCC Campaign sa pagpapalakas ng kooperasyon ng komunidad at pagpigil sa paglala ng karahasan.

Samantala, pinuri ni Brig. Gen. Alaric Avelino P. Delos Santos, Commander ng 1102nd Infantry “Ganarul” Brigade at Task Group “Ganarul,” ang mga sundalo, lokal na pamahalaan, kapulisan, at mga lider ng komunidad na nagtulungan upang maisakatuparan ang mapayapang pagsuko ng armas.

Ayon kay Brig. Gen. Delos Santos, hindi lamang nakatuon ang kampanya sa pagbawi ng mga malalayang baril kundi sa pagtataguyod din ng kultura ng kapayapaan, pananagutan, at paggalang sa batas.

Mula Enero 1, 2026, nakapagtala na ang Task Group “Ganarul” ng kabuuang 174 na nakuhang high-powered at low-powered firearms sa ikalawang distrito ng Sulu sa tulong ng RFGFPCC Campaign at suporta ng mga lokal na pamahalaan, law enforcement agencies, community leaders, at iba pang peace stakeholders.

Patuloy namang hinihikayat ng mga awtoridad ang publiko na makiisa sa mga programang naglalayong mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at kaayusan sa buong lalawigan ng Sulu.