LUMAGPAS na sa P5.1 bilyon ang approved investments sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) hanggang sa ikalawang quarter ng Fiscal Year 2026, na higit na sa kabuuang P5 bilyon na naitala noong 2025, batay sa Bangsamoro Board of Investments (BBOI).

Ayon sa BBOI, inaasahang makalilikha ang mga naturang pamumuhunan ng 2,583 trabaho para sa mga Bangsamoro constituents.

Sa pinakahuling 3rd Regular Board Meeting noong Abril 30, 2026, aprubado ng BBOI ang anim na bagong investment projects na nagkakahalaga ng P2.6 bilyon na inaasahang magbibigay ng 1,657 job opportunities.

Kabilang dito ang mga health and wellness at tourism-related projects sa Cotabato City na may kabuuang halagang P177 milyon na inaasahang magbubukas ng 69 trabaho.

Aprubado rin ang ilang agriculture at agribusiness projects sa iba’t ibang lalawigan ng BARMM, kabilang ang P167 milyong proyekto na lilikha ng 113 trabaho, at P58 milyong investment na inaasahang magbibigay ng 143 employment opportunities.

Pinakamalaki sa mga aprubadong proyekto ay isang P2.2 bilyong investment sa isang island province na inaasahang magbibigay ng 1,330 trabaho.

Ayon kay BBOI Chairperson Mohamad Omar Pasigan, patuloy na lumalakas ang tiwala ng business sector sa Bangsamoro government, na nagreresulta sa tuloy-tuloy na pagpasok ng investments sa rehiyon.