Kinilala ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa larangan ng halal investment nang makatanggap ito ng Halal Investments Promotion Excellence Award sa Stakeholders Recognition and Gala Night na inorganisa ng Prime Group sa Dubai.
Ang pagkilala ay iginawad sa pamamagitan ng Bangsamoro Board of Investments (BBOI) at nagpapatunay sa patuloy na paglago ng BARMM bilang isang kompetitibong destinasyon para sa halal-compliant, etikal, at sustainable na pamumuhunan sa pandaigdigang merkado.
Kinatawan ng rehiyon sa pagtanggap ng award sina Datu Habib S. Ambolodto at Manan O. Baraguir, Board of Governors ng BBOI, kasama ang ilang pangunahing opisyal ng Pilipinas at mga kasosyo, kabilang sina H.E. Alfonso Ferdinand Ver, Philippine Ambassador sa UAE; Madam Laline Ver; USEC Amihilda Sangcopan ng Department of Agrarian Reform; Mr. Vichael Roaring, Trade Commissioner ng Philippine Trade and Investment Center; Ar. Evangeline “Asiyah” Monjardin, Chairwoman ng Philippine Business Council–Dubai and Northern Emirates; at Dr. Mary Jane Alvero–Al Mahdi, Group CEO ng Prime Group of Companies.
Ayon sa BBOI, ang parangal na ito ay sumasalamin sa malinaw na direksyon ng Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua sa pagpapaigting ng Economic Jihad sa ilalim ng #MasMatatagnaBangsamoro campaign, na nagtataguyod ng faith-driven, inclusive, at sustainable na pag-unlad ng ekonomiya.
Binibigyang-diin ng pagkilala ang matibay na pangako ng BARMM sa paglago ng halal industry, pagbuo ng pandaigdigang partnerships, at pagsusulong ng mga pamumuhunan na nagbibigay kapangyarihan sa mga komunidad, at itinuturing ang rehiyon bilang pangunahing hub para sa halal investments sa rehiyon at sa mundo.

















