Pinalalakas pa ng pamahalaang Bangsamoro ang ugnayang pang-ekonomiya at pamumuhunan sa rehiyon matapos makilahok ang Bangsamoro Board of Investments o BBOI sa mga aktibidad ng BIMP-EAGA na ginanap sa Cebu City.
Pinangunahan nina BBOI Chairperson Mohamad Omar Pasigan kasama sina Board of Governors Datu Habib Ambolodto at Manan Baraguir ang delegasyon ng Bangsamoro katuwang si Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua.
Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng mga opisyal mula sa national government, BARMM, at maging ng mga kinatawan mula sa diplomatic corps ng mga bansang miyembro ng BIMP-EAGA.
Bago ang fellowship activities, nagsagawa muna ng coordination meeting ang delegasyon ng BARMM kasama ang Mindanao Development Authority o MinDA sa pangunguna ni Secretary Leo Tereso Magno.
Kabilang sa mga natalakay ang pagpapalawak ng regional economic connectivity, trade facilitation, logistics, halal industries, fisheries, at mga oportunidad sa pamumuhunan sa ilalim ng BIMP-EAGA framework.
Ayon sa BBOI, mahalaga ang naturang mga engagement upang higit pang mapalakas ang papel ng BARMM sa regional economic integration at cross-border economic cooperation.
Ipinakita rin sa pagpupulong ang potensyal ng Bangsamoro bilang emerging gateway para sa investments at iba pang economic opportunities sa rehiyon, kasabay ng pagsusulong ng layunin ng “Mas Matatag na Bangsamoro.”
Dumalo rin ang delegasyon sa BIMP-EAGA Fellowship Night kung saan mas pinagtibay pa ang ugnayan ng Bangsamoro sa mga regional leaders, stakeholders, at development partners para sa mas malawak na kooperasyon at sustainable development sa BARMM.
















