Patay ang isang 8-taong gulang na batang lalaki matapos ma-trap sa loob ng kanilang nasunog na bahay sa Barangay Poblacion, Talitay, Maguindanao del Norte, kagabi, Miyerkules, Hulyo 23.

Batay sa ulat ng pulisya, pasado alas-11:30 nang sumiklab ang apoy na mabilis na kumalat at tumupok sa mahigit sampung kabahayan.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, natutulog ang bata nang mangyari ang sunog. Hindi na siya nailigtas ng kanyang ina na may iniindang karamdaman.

Wala halos naisalbang gamit ang mga residente dahil sa bilis ng pagkalat ng apoy.

Sa ngayon, nananawagan ng tulong ang mga nasunugan — pagkain, damit, at pansamantalang tirahan ang kanilang pangunahing pangangailangan.

Patuloy namang iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection ang pinagmulan ng sunog.