Nagsagawa ng isang malawakang engagement ang Bangsamoro Board of Investments o BBOI kasama ang mga Registered Business Enterprises (RBEs) at iba’t ibang stakeholders upang talakayin ang pinakabagong updates ng kanilang mga pamumuhunan sa rehiyon, pati na ang pagsunod sa umiiral na national laws at BARMM regulations.
Ayon sa BBOI, layunin ng naturang pagtitipon na magsilbing plataporma ng mas bukas na dayalogo kung saan naipapahayag ng mga investors ang kanilang progreso, mga hamon sa operasyon, at pag-aayon sa umiiral na polisiya at regulatory requirements ng pamahalaan.
Tinalakay din sa naturang engagement ang mga hakbang upang mas mapabuti ang compliance ng mga negosyo, mas mapakinabangan ang mga insentibo, at mapalakas pa ang epekto ng kanilang mga proyekto sa ekonomiya ng rehiyon.
Dumalo at aktibong nakibahagi sa talakayan sina BBOI Chairperson Mohamad Omar Pasigan, kasama ang mga Board of Governors na sina Datu Habib Ambolodto at Manan Baraguir, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng partnership, transparency, at accountability sa pagpapatatag ng investment climate sa BARMM.
Binigyang-diin din ng BBOI na malaki ang kontribusyon ng RBEs sa patuloy na pag-angat ng ekonomiya ng rehiyon, partikular sa paglikha ng trabaho, pagpapaunlad ng lokal na negosyo, at pagpapasigla ng ekonomiyang direktang nakikinabang ang Bangsamoro communities.

















