Lumahok ang Bangsamoro Darul-Ifta’ (BDI) sa isang pandaigdigang workshop sa Abuja, Nigeria, na tumalakay sa mga usapin ng mga nawawalang tao at kanilang pamilya batay sa Islamic Law at International Humanitarian Law o IHL.

Isinagawa ang aktibidad mula Oktubre 6 hanggang 8, 2026, sa pangunguna ng International Committee of the Red Cross (ICRC), kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang bansa.

Kinatawan ng BDI si Sheikh Zulkarnain S. Sarento, Interpreter III, na nagbahagi ng fatwa o relihiyosong legal na gabay ng BDI tungkol sa paghukay sa mga libingan.

Tinalakay sa workshop ang papel ng batas Islamiko at internasyonal na makataong batas sa pagprotekta sa karapatan at dignidad ng mga nawawalang tao at kanilang pamilya, gayundin ang pagtugon sa mga sensitibong usaping may kaugnayan sa mga nawawalang mahal sa buhay.

Ayon sa BDI, patuloy itong nakikibahagi sa mga pandaigdigang inisyatiba na nagtataguyod ng katarungan, makataong pagpapahalaga, at pagbibigay ng gabay Islamiko sa mga komunidad.