Tinatayang 250-libong piso ang pinsala sa sunog sa isang tindahan ng liquefied petroleum gas o LPG sa Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, kagabi Oktubre 14.

Ayon kay SFO3 Anwar T. Kasan, Deputy Fire Marshal ng Datu Odin Sinsuat Fire Station, dalawa sa mga caretaker ng tindahan ang nagtamo ng second-degree burns at hindi pa maaaring makalabas ng ospital dahil sa kanilang kondisyon.

Samantala, nagtamo rin ng pinsala sa hita ang ikatlong caretaker matapos tumalon mula sa itaas ng establisimyento upang makaligtas sa sunog, dahilan upang mahirapan siyang maglakad.

Batay sa paunang imbestigasyong ng BFP, sa likurang bahagi umano ng tindahan nagsimula ang sunog, kasunod ng biglaang pagsabog na narinig ng mga caretaker.

Wala namang ibang bahay o establisimyentong nadamay sa insidente.

Muling pinaalalahanan ng BFP ang publiko na tiyaking ligtas ang mga electrical appliances at nakasara ang LPG bago matulog upang maiwasan ang sunog at iba pang aksidente.