Nagbigay ng paglilinaw si Bangsamoro Member of Parliament Atty. Kitem D. Kadatuan Jr. kaugnay sa layunin at paggamit ng Contingent Fund ng Bangsamoro Government matapos itong maging paksa ng mga talakayan at katanungan mula sa publiko.
Sa kanyang social media post, sinabi ni Kadatuan na ang pinakamalaking naitalang Contingent Fund sa kasaysayan ng Bangsamoro ay nakapaloob sa 2020 General Appropriations Act of the Bangsamoro o GAAB na umabot sa mahigit P13.2 bilyon.
Ayon sa mambabatas, nagsisilbing reserbang pondo ang Contingent Fund para sa mga programa, proyekto at aktibidad na nangangailangan ng agarang pagpopondo. Maaari rin aniyang gamitin ito sa mga sitwasyong hindi inaasahan at hindi sapat na natugunan ng regular na badyet ng mga ahensya.
Ipinaliwanag ni Kadatuan na may mga pagkakataong inililipat sa Contingent Fund ang bahagi ng budget ng mga ministry, office at agency na hindi pa handang gamitin o may mababang utilization rate. Aniya, nananatiling maaaring maibalik ang naturang pondo kapag handa nang ipatupad ng ahensya ang kanilang mga nakaplanong programa.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE na umano’y kusang nagmungkahi ng pagbabawas sa bahagi ng kanilang badyet upang mailaan ito sa ibang agarang pangangailangan ng pamahalaan.
Sinabi rin ni Kadatuan na mahalagang mapanatili ang Contingent Fund bilang pondong maaaring gamitin sa panahon ng kalamidad, emergency at iba pang pangyayaring nangangailangan ng mabilis na pagtugon ng gobyerno.
Ayon pa sa kanya, maaaring maghain ng kahilingan para sa pondo mula sa Contingent Fund ang lahat ng ministries, offices at agencies ng BARMM basta’t makasunod ang mga ito sa mga kondisyon at rekisito na itinakda ng batas.
Kabilang sa mga nabanggit niyang nakinabang umano sa naturang pondo para sa mga bagong pangangailangan at agarang programa ang Ministry of Health, MBHTE at Ministry of Public Works.
Nilinaw rin ng mambabatas na hindi basta-basta inilalabas ang pondo mula sa Contingent Fund dahil dumaraan ito sa pagsusuri at oversight mechanisms ng Bangsamoro Parliament. Kinakailangan din aniyang suportado ng mga kaukulang dokumento at legal na batayan bago maaprubahan ang paggamit nito.
Dagdag ni Kadatuan, hindi maaaring gamitin ang Contingent Fund para sa mga programang mayroon nang nakalaang pondo sa taunang budget. Aniya, dapat na nakabatay lamang ang paggamit nito sa mga proyektong pinahihintulutan ng General Appropriations Act of the Bangsamoro.
Samantala, sinabi ng mambabatas na magpapatuloy siya sa pagbibigay ng impormasyon hinggil sa mga usaping may kaugnayan sa badyet at paggasta ng pamahalaan upang higit na maunawaan ng publiko ang sistema ng pamamahala ng pondo sa Bangsamoro.

















