Mahigpit na pinaaalalahanan ng Bangsamoro Land Transportation Franchising and Regulatory Board o BLTFRB ang mga tsuper ng pampasaherong sasakyan na huwag basta-bastang magdagdag ng singil sa pamasahe sa mga commuter.
Ayon kay BLTFRB Director I Jobayra Tandalong, wala pang aprubadong desisyon ang kanilang tanggapan kaya nananatiling umiiral ang kasalukuyang fare matrix.
Ipinaliwanag ni Tandalong na magkakaroon pa ng konsultasyon at pagpupulong ang BLTFRB kasama ang Ministry of Environment, Natural Resources and Energy o MENRE upang pag-usapan kung kinakailangan bang magpatupad ng adjustment sa pamasahe.
Inihayag na isa sa mga tinitingnang dahilan ay ang patuloy na paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Naaapektuhan umano ang oil prices dahil sa umiigting na tensyon sa ilang bahagi ng Middle East na may malaking papel sa suplay ng petrolyo sa buong mundo.
Sa kabila nito, nilinaw ng BLTFRB na hindi maaaring magpatupad ng anumang dagdag-singil ang mga tsuper hangga’t walang pinal na anunsyo mula sa kanilang tanggapan.
Pinayuhan din ang mga pasahero na agad i-report ang mga driver na maniningil ng sobra sa itinakdang pamasahe.
Maaaring magsumite ng reklamo sa opisyal na Facebook page ng BLTFRB at magbigay ng malinaw na ebidensya upang mabilis itong maaksyunan ng ahensya.

















